Kumusta, Kaya Pa Ba?

This is the second part of the article I wrote entitled, Ganda Ka? This post is likewise about the important points from the high-rated movie The Day After Valentines

As I’ve mentioned in my first post, the said movie is available on Netflix with English subtitles! Also, I’m working on the English translation and I’ll post the link as soon as it’s published. 💛

Bakit nga ba ang hirap amining hindi tayo okay? Oo nga naman, kapag kinumusta tayo, tila may nakabasta na tayong sagot — ‘Okay naman’ o di kaya’y ‘Okay lang’. Dahil sa ganitong pag-iisip, ‘yung taong nagtanong ay umaasa naring ganyan ang kanyang maririnig. Sa gayon, di na siya mag-uusisa pa, ‘di ba? Puwera nalang siguro kung nakita niyang talagang maasim ang mukha ‘nung isa.

Sa kabila nito, naniniwala akong dapat maluwag nating naipahahayag ang ating mga nararamdaman, lalo na sa mga taong malapit sa atin. Naiintindihan kong mahirap itong gawin, kaya mahalagang magsimula tayo doon sa mga taong pinagkakatiwalaan natin: silang mga alam nating hindi tayo huhusgahan kapag naging mahina tayo sa harap nila — silang mga nariyan para tayo’y pakinggan at damayan. 

Ah, gusto kong isama ito para makita ninyo ang Baybayin. Ito ang paraan ng pagsulat na ginamit ng mga sinaunang Pilipino. Ang ganda, ano? Sana hindi natin ito kinalimutan. Kaya salamat sa palabas na ito na nagpakita ng mayabong na kultura at identidad ng mga Pilipino.

Sa tingin ko, may mga tao talagang lapitin ng broken. Sila ‘yung mga taong tila nagbibigay ng awrang healer — iyong tipong laging naandiyan at handang isantabi ang lahat matulungan ka lang. 

Pero tulad ng barkong iyan, may maganda nga ba sa pagiging wasak? 

Marahil, kung isa kang aktor, magagamit mo ito para sa mga malulungkot na eksena. O di kaya, kung isa kang tourist attraction tulad ng barkong iyan (na imposibleng mangyari!!!), makakatulong ka sa mga taong bumibisita.

Pero tao ka — isang indibidwal na may araw-araw na buhay, at hindi mo trabaho ang umarteng wasak. Lagi mo sanang tandaan na kung nahihirapan ka man ngayon, panandalian lang ‘yan. At oo, naiintindihan kong parang malabo ‘yung magandang bukas sa kalagayan mo ngayon. Pero galing narin ako diyan at magtiwala ka, bangon lang nang bangon kahit durug-durog ka na. Bukas makalawa, magugulat ka nalang dahil unti-unti, umaayos ka na. Hanggang sa paggising mo, muli, buo ka na. Muli, maligaya ka. 🙂 

Tandaan mo,

When you hit rock bottom, the only way is up.

Para sa’kin, ito ‘yung isa sa pinakamagandang anggulo ng pelikula. Mahirap saktan ng taong inaasahan mong pro-protekta sa’yo. Pero ang mas mahirap? ‘Yung alam mong pwede sanang may tumulong sa’yo… kaso nanood lang sila.

‘Yung tanging inaasahan mong magliligtas sa’yo para makawala sa impyernong dinaranas mo, wala ring nagawa. Kasi nga, nanonood lang sila.

Sa tingin ko, ‘yung mga ganitong pagkakataon ang sumisira nang tuluyan sa isang tao o di kaya’y nagpapalakas sa kanya nang husto. Ang hiling ko lang, sa mga taong nasa parehong sitwasyon ngayon — doon sa mga nakararamdam na tila wala silang takas sa pait ng tadhana at maigting na nananalangin na lamang ng magliligtas sa kanila, sana malaman mong may nakakaintindi sa pinagdadaanan mo. Higit sa lahat, gusto kong malaman mo kung pa’no ako nakaalis sa pag-iisip na talo na ako — na wala nang pag-asa. Ito ang mga katagang sinabi ko noon sa sarili ko:

Sana isang araw, masabi mo rin ‘yan sa sarili mo at unti-unti, makatayo ka rin sa sarili mong mga paa. Hindi mo kailangan ng mga taong nagpapahirap sa’yo. Kahit pamilya mo pa sila, may karapatan kang umalis — at kaya mo. No man is an island, oo. Pero mahalaga rin na ‘yung mga kasama mo sa buhay na ‘to, ang hangarin ay ‘yung kaligtasan, kaligayahan, at kaunlaran mo bilang isang tao.

Kaya mo ‘yan. Fighting.

Sa totoo lang, ang hirap nga naman magpatawad. Lalo na kung halos winasak ng taong nanakit sa’yo ‘yung buong pagkatao mo. Pero maganda ang palagay ng pelikulang ito sa pagpapatawad. Kapag nagpatawad tayo, pinalalaya narin natin ‘yung sarili na’tin sa mga sugat na dala ng kahapon. Pero dapat rin nating tandaan, 

Forgiveness doesn’t mean reconnection.

Tama, puwede nating patawarin ‘yung taong nagkasala sa’tin pero hindi dapat natin kalimutan ‘yung mga aral na natutunan mula sa karanasang iyon. Kailangan nating magpatawad upang tuluyang makausad sa buhay ngunit hindi kailangang bumalik at maging parte muli ng buhay ng taong nanakit sa atin.

Same, Lani, same. 

At kaya talagang kahanga-hanga para sa’kin ang karakter ni Lani sa kuwentong ito. Sa mga oras na nag-iisa’t malungkot tayo, doon nagsisimulang lamunin ng masasama at masasakit na alaala ang ating isipan.

At sa mga oras na ‘to, ang hirap kaya maging cool. Napakatapang ng mga taong nakakatayo sa araw-araw na tila ba walang pinagdaanan. Pero sabi nga nila, minsan, kung sino ‘yung mukhang malakas, siya ‘yung may mas mabigat na pinagdaraanan.

Mahirap magsuot ng maskara araw-araw. Mahirap maging malakas para sa sarili — ‘yung tipong bumabangon ka lang sa umaga dahil kailangan mong bumangon. Kaya higit sa ano pa man, sana doon sa mga taong strong at cool, makahanap kayo ng kahit isang taong mapagkakatiwalaang sabihan ng mga problema. Hangga’t maaari, kailangan nating suriin ang sarili natin at harapin ‘yung mga bagay na dati’y iniiwasan natin upang maluwag na makatuluy-tuloy sa daloy ng buhay.

Doon sa mga wala pang nahahanap na mapagkakatiwalaan, masasabi kong nakatutulong ang paggawa ng journal. Isulat mo sa isang kuwaderno lahat ng nararamdaman mo, basahin mo, at subukang bigyan ng payo ang sarili bilang isang mabuting kaibigan. Ganoon talaga eh. Naiintindihan ko namang hindi (pa) lahat ay pinalad na magkaroon ng kaibigang mapagkakatiwalaan. Kaya sa mga pagkakataong ganito, kahit mahirap, kailangan nating maging mabuting magulang o di kaya’y kaibigan sa sarili natin. Kaya mo ‘yan. Malakas ka, remember? 

Saludo ako sa’yo. Isa ka sa mga taong tinitingala ko. 🙂

Napakaganda ng eksenang ito. Para sa akin, ito ang eksena ng pagpapatawad. Napakagandang simula sa malinis na paghilom ng sugat ang pagtanggap sa mga bagay na nangyari na, ang magpatawad ng mga nanakit sa atin, at higit sa lahat, ang patawarin ang ating sarili.

Ikaw, paano ka humaharap sa problema? O hinaharap mo nga ba?

Salamat sa pagbasa! Muli, narito ang Part 1 ng sanaysay.

Sumasaiyo,

TC

2 thoughts on “Kumusta, Kaya Pa Ba?

  1. Mahirap magpatawad pero kailangan ito para gumaan ang ating loob. Hindi ito nangangahulugan na maibabalik natin ang relasyon sa nagkasala sa atin pero at least magmomove on tayo dahil para umabante sa buhay kailangan maging magaan ang loob.
    Narinig ko minsan na kung nahihirapan tayong magpatawad ito ay na para n

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s