Ganda Ka?

In this article (which was originally written in Filipino), I talk about a high-rated film, The Day After Valentines. Also, the sleepless nights which led me to watching it. 

Nonetheless, the said movie is available on Netflix with English subtitles! Also, I’m working on the English translation (since most of our readers are English speakers). I’ll provide the link as soon as it’s published. 💛

Sa takot kong makatulog muli, kailangan kong humanap ng paraan para manatiling gising ngayong gabi. Buti nalang, may Netflix. Matagal nang nasa listahan ko itong The Day After Valentines pero parang ngayon ko lang ulit natipuhang manood ng mga ganitong uri ng pelikula.

Isa pa, magaling ‘yung mga aktor dito. Una ko silang napanood sa 100 Tula Para Kay Stella. Ngayon, hindi muli ako nabigo.

Oo, buti pa ito, hindi ako binigo.

Kaya tulad ng nakagawian, ito ang mga ideya at eksenang nakapukaw sa aking atensyon.

Para sa magaang panimula, nais ko lang ipakita ang mukha ng isang taong nasawi sa pag-ibig. Ang asim, ano? Iyong nakaupo ka lang pero bigla kang may maaalala, tapos di mo na bigla mapigilang maluha. Okay lang ‘yan, kaya mo ‘yan.

Ito ang isang perpektong halimbawa ng Noon vs. Ngayon. Noong sariwa pa ‘yung sugat, mas humahapdi sa tuwing naaalala ‘yung mga matatamis na sandali. Ang masaklap pa, kung kailang wala nang “kayo” ay tila puro masasayang alaala ang pinakikita ng utak mo! 

Pero base sa palabas, ito lang ang masasabi ko: Oo nga naman, hindi na natin nanaising mahalin ulit ng isang tao kung puro kasiraan niya ang nakatatak sa ating isipan. Oh, alam niyo na.

Naku po, ito nanaman tayo sa “pag-aayos” ng kapwa. Bakit, therapist ka ba niya? Mahirap talaga kung ang basehan ng pag-ibig ay utang na loob. ‘Yung tipong umaasa kang susuklian niya ‘yung kabaitan mo dahil noong oras na nangangailangan siya, noong mga panahong wasak siya — andiyan ka. 

Pero huwag sana nating kalimutang minsan, kahit gaano mo ibinigay ang lahat sa isang tao, hindi garantisadong maibabalik niya ‘yung pagmamahal na iyon sa’yo. 😉

Minsan, ang hirap talaga sabihing mahal mo ‘yung isang tao lalo na kung di ka naman sigurado sa sagot niya. Kasi, pag inamin mo, tapos di ka naman pala niya gusto, nakakahiya. 

At nakakatakot mapahiya.

Kaya siguro kadalasan, bilang depensa, may mga taong idinidepende nalang ‘yung desisyon nila base sa sagot ng iba. Pero kung magiging totoo tayo sa sarili natin, hindi ba mayroon naman talaga tayong sariling pananaw? Hindi ba, alam naman talaga natin ‘yung gusto na’ting mangyari?

Kaya para sa mga takot diyan, sana isang araw magkaroon ka ng lakas ng loob na sabihing:

“Oo, gusto kita. At sa dami ng pinagsamahan na’tin, sa totoo lang, mahirap para sa’kin isiping wala kang nararamdaman. Pero kung ‘yun nga ‘yung totoo, pakisabi naman. Para magsimula na ‘kong hindi umasa at para rin matantsa ko kung kakayanin ko bang maging kaibigan mo lang. Importante ka sa’kin kaya hangga’t maaari, ayokong mawala ‘yung pagkakaibigan na’tin, pero kailangan ko munang siguraduhin sa sarili kong okay akong maging kaibigan mo lang.”

Ayan ha, copy-paste nalang sa mga nabiktima ng payaso diyan.


Ayun na nga ang hirap sa pag-aayos ng tao. Tulad nga ng nabanggit ko, hindi ka naman niya therapist. Hindi mo trabahong ayusin siya. Pero kung ganoon na nga ang nangyari at sa huli, hindi naman pala niya kayang suklian ‘yung pagmamahal na binigay mo, patawarin mo nalang. Tsaka mo pakawalan. 

Magtiwala ka, sa una lang ‘yan mahirap. Ang mahalaga, kung titingnan mo ‘yung realidad, nakatulong ka. Alam ko, nakaka-bitter kasi tulad nga rin ng nabanggit ko, alam mo naman talaga kung anong gusto mo eh. Nahihiya ka lang sabihin. Alam mo sa sarili mong ginagawa mo ‘yun kasi umaasa kang may kapalit — sa kasong ‘to, umaasa kang mamahalin ka rin niya.

Pero kung ganito nga, tanggapin mo nalang na nagbigay ka ng tulong nang walang kapalit. Naglaan ka ng oras, emosyon, at salapi sa taong kinailangan ka noong mga oras na iyon. Hindi ba’t mas maganda nga dahil sa totoo lang, ikaw ‘yung sagana dahil ikaw ‘yung nakapagbigay?

Ngayon, ang hiling ko lang, sana kaya mo ring ibigay ‘yung parehong pagmamahal sa sarili mo. 

We’re all broken in our own ways, anyway

Kaugnay ng punto kanina, maling-mali ang pag-iisip na magbago para sa isang tao. Kung kinakailangan mong lumayo sa totoong ikaw para lang magustuhan ka niya, maniwala ka, hindi pagmamahal iyon. 

Isa pa, ang pagiging gwapo o maganda ay hindi garantisadong dahilan upang mahalin ka ng taong gusto mo. Kahit gaano ka pa kaganda, kabait, kayaman, o kahit ga’no mo kayang matapat na paglingkuran ang isang tao habambuhay, hindi noon kayang siguraduhing mamahalin ka rin nang lubos ng taong gusto mo. 

Oo, masakit talaga ‘yung katotohanan pero hindi ba nakakapagpalaya rin ito? Ang ibig kong sabihin, sa totoo lang, hindi mo na kailangang magsinungaling sa sarili mo. Hindi mo kailangang mahirapang magsuot ng maskara araw-araw para lang piliting maakit sa’yo ang isang tao. 

Kailangan mo lang maging ikaw. 

Ikaw — kasama lahat ng mga sugat at peklat at hindi kaaya-ayang karanasang ikinahihiya mo. Ikaw, kasama lahat ng masasakit na pangyayaring dumurog sa’yo pero ayan ka, nakatindig. Lahat ng ito — maganda at pangit — kasama kapag nagmahal ka. At doon sa mga bagay na dahilan ng pagkamuhi mo sa sarili mo, ang hiling ko lang ay makahanap ka ng paraan para ayusin ito — hindi para sa iba, kundi para sa sa’yo.


Kaya ikaw, kahit kailan, huwag mo sanang pagdudahan ‘yung sarili mo. Kasi oo, maganda ka. Oo, gwapo ka. Kahit gaano man kapangit ‘yang pinagdaanan o pinagdaraanan mo, makakabawi ka. Nag-iwan man ‘yan ng peklat, tandaan mong marka ‘yan ng katapangan mo. Hindi ka sumuko, at patuloy kang lumalaban. Kahit pakiramdam mo talo ka ngayon, may bukas pa. Babawi ka. Kung hindi man bukas, sa susunod na bukas… kung hindi man, sa mga susunod pa. 

Ganda, punasan mo na ‘yang luha mo.

Pogi, bangon na.

Sabik na ang mundong maging kaibigan mo.


Hinati ko nga pala ang paglathala ng aking mga pananaw ukol sa pelikulang ito. Kung ang bahaging ito’y tumatalakay sa pag-ibig, ang ikalawang bahagi nama’y mas nagbibigay-pansin sa pagharap ng tao sa problema. Narito ang Part 2.

Sumasaiyo,

TC

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s